Tuesday, August 3, 2010

Hilda Koronel, di naman mataray, pero totoong walang takot!

Bungisngis din naman pala siya. Mabiro at ma-kwento. Di lang yon. Handa rin siyang maiwanan na ng lahat mapagbigyan lang ang mga reporter na gustong makausap siya.


Masarap naman palang kausap si Hilda Koronel. Hindi naman pala siya nakakanerbiyos na kausap dahil mataray. Pero totoong prangka siya. Walang takot.


"Kasi naman kayo panay ang basa n'yo ng mga dyaryo at magasin, kaya naniniwala kayong mataray ako!" biro n'ya sa tatlong reporter na naglakas-loob na interbyuhin siya nung bandang dulo ng press conference kamakailan para sa soap operang Kung Mawawala Ka sa GMA 7.


(Nakaalis na lahat ng mga kasamahan n'yang artista, pero kampante pa rin siyang naka-upo at sinagot ang mga tanong namin na paminsan-minsan ay kung saan-saan napupunta, pero matiyaga pa rin n'yang sinagot. Nung may biglang sumali sa interbyuhan namin at itinanong ang ilang bagay na naitanong na namin, matiyaga pa rin n'yang sinagot uli ang kulelat na reporter.)


Of course, alam n'yang mga nagsusulat sa dyaryo at magasin ang mga kaharap n'ya. Iniisip n'yang malilirip namin ang ironya ng biro n'ya. Malambing naman ang pagkakasalita n'ya, kaya hindi namin inisip na tinatarayan n'ya kaming tatlo sa umpisa pa lang ng pakikipaghuntahan namin sa kanya.


"Naku, yan din naman ang sinasabi ko kahit kanino na nahahalata kong gulat na gulat dahil nakikipagkwentuhan at bungisngisan ako sa kanila!" pasubali n'ya.


Walang-takot na inamin ni Hilda na 47 years old na siya at lola na ng mga anak ng ilan sa mga batang inampon n'ya nung kabataan n'ya. "Wala pa akong apo du'n sa mga tunay kong anak, dahil mas bata sila kesa du'n sa mga ampon ko. Tapos na nga lahat ng college yung mga ampon ko, eh, kaya mga nagsipag-asawa na. Pero hindi lola o grandma ang tawag sa 'kin ng mga apo ko, kundi mama," pagbabalita n'ya.


Apat ang ampon n'ya, at kaya naman siguro wala siyang pag-aatubili na tawagin ang mga yon na ampon ay dahil alam naman nila ang estado nila. At alam din nilang itinuring sila ni Hilda na parang mga tunay na anak din. Lahat naman sila ay pinag-aral n'ya.


Apat din ang tunay n'yang anak. Hindi na kinailangang itanong ninoman sa amin kung iisa ang ama ng mga anak n'ya. Alam naman naming hindi. Batid din namin ang isa sa kanila ay anak n'ya sa yumaong aktor na si Jay Ilagan.


Ten years old na ang youngest child n'ya, lalake, anak n'ya sa isang doktor na hiwalay na rin sa kanya dahil sumama sa isang doktora. Dahil tipong mga high society ang doctor at ang doktora, naging laman ng society page gossip columns noon ang pakikipagbangay ni Hilda sa dati n'yang mister at sa doktorang sinamahan nito.


"Pero friends na kaming lahat ngayon for the sake of my boy. Kaya huwag n'yo nang tanungin ang mga panglan nila para walang gulong mabuhay uli," kaswal na pagtatapat at pakiusap n'ya.


"Hindi ka na nakipag-boyfriend uli after that doctor?" tanong ng isa sa amin.


"Ano ka ba, hindi mo ba nabalitaang I got married na after that doctor? Aha, you're behind, ha!" biro n'ya.


"My husband has to be in the US many times of the year. American citizen kasi siya. Dati, kapag wala akong trabaho rito, sama ako nang sama sa kanya sa US. But since September 11, nung nag-istrikto na sila sa mga pumapasok sa US, hindi na ako sumasama. Kasi naman ultimong suwelas ng sapatos mo ngayon, ini-inspect nila sa airport!


"So, siya na lang ang umuuwi rito occasionally."


"Hindi ka ba nababahala na supporting roles na ang ibinibigay sa iyo ngayon?" walang-prenong tanong ng isa sa amin.


Sagot naman ng aktres nang walang-kagatul-gatol: "Ano ka ba, ba't naman ako mababahala? At a certain point naman in my career, alam ko nang lilipas din ako bilang bida at mauuwi sa mother roles and later on lola roles. Ang pinakamahalaga d'yan, kung ano yung role na tinanggap ko, I give it my best and I remain as professional as I had been in my younger years.


"Saka yung pagma-mother roles, du'n sa anthology ko noon na Hilda, ilang beses din akong gumanap na dalagang ina, inang iniwan ng asawa, kahit na 17 o 18 pa lang ako. So, walang kaso talaga sa 'kin ang gumanap na mother roles.


"O mistress na ng artistang dati ay laging tatay ko ang papel, si Eddie Garcia. 'Dad' nga ang tawag ko sa kanya off-camera hanggang ngayon dahil du'n sa first starring-role movie ko, yung Haydee, siya ang daddy ko. Tapos dito nga sa Kung Mawawala Ka, kerida na n'ya ako!"


Hindi ba n'ya naiisip na magdirek din na gaya ni Laurice Guillen na nagmula rin sa pagiging aktres na gaya n'ya (na nakasama n'ya sa maraming pelikula at naidirek na siya minsan)?


"In the past, I thought I'd like to be a director. But, then, nung naisip ko yung mga pagdurusa ko sa mga nagpapahintay sa 'kin sa set, there was a time na 15 oras akong naghintay sa isang aktres, pag naaalala ko ang mga pagdurusa ng mga director, at nung ma-realize kong mas mababa pala ang bayad sa kanila kesa sa mga artista, I realized I would have no patience as a director.


"So my becoming a director is already out of the question. Hanggang sa pag-aartista na lang ako."


Naitanong ang mga umano'y pagwo-walk out n'ya sa mga syuting at teyping. "Hindi naman ako palaging nagwo-walk out. Ilang beses lang yung nag-walk out ako dahil nga sobra-sobra na ang oras ng paghihintay ko. Kaya nga naaalala ko pa lahat ng times na nag-walk out ako dahil kokonti lang naman yon. There was a time, hinintay ko muna yung aktres na ten hours nang late, bumeso siya sa akin, bineso ko siya, tapos sabay sabing, 'Goodbye! I'm going home!' Ginawa ko lang yon para madala siya. So, hindi na nga n'ya inulit na magpahuli nang ganu'ng katagal.


"Nagpapasensya naman ako hanggang kaya ko. Hindi naman ako basta nagwo-walk out na lang dahil sa konting diprensya!"


Naalala ng isa sa amin na may ginawang bold film si Hilda, yung Hayop sa Hayop, with Phillip Salvador, sa direksyon ng yumaong Lino Brocka, ang mentor ni Hilda (at nina Phillip at Christopher de Leon na rin).


Paggunita n'ya nang may pilyang ngiti sa labi: "Idea ni Lino yon. Critically-acclaimed na raw ako, kaya it was about time na magpaka-commercial na kaming dalawa. Nung mga may nagtanong sa kanya kung kaya kong mag-bold, ang sagot n'ya ay, 'Ba't hindi kaya eh pumapasok nga yan sa eskwela na walang panty at bra!


"Eh ang init-init naman kasi dito sa atin, so bakit naman ako laging magpa-panty at bra?!


"We really did the works then. Pati yung mga pictorial na topless na mga kamay ko lang ang nakatakip sa boobs ko, ginawa rin namin yon…"


Biglang bulalas ng isa sa amin: "Naku, ikaw pala ang nagsimula ng ganu'ng ka-cheap-an!"


Sagot naman ng aktres nang pabiro: "Hoy, mukhang Italyana ako nu'n. Saka may concept yon. Kunwari galing ako sa paliligo sa kung-saan kaya may butil-butil pa ng tubig sa mukha at katawan ko. Hindi yon gaya ng mga pictorial ngayon na basta nakatakip lang ang mga kamay sa boobs.


"Saka mukhang Italian ako nu'n, ha!"


Napahagalpak na lang kaming lahat sa tawa sa "pagtataray" n'ya.


Naisip na ba n'ya kung kailan siya magri-retire?


"I will most likely die on a movie set!"


(April 19, 2002)

No comments:

Post a Comment

SISA | HILDA KORONEL | Opens March 4, 2026

  SISA (The Idea First Company) Starring Hilda Koronel , Eugene Domingo, Jennica Garcia, directed by Jun Robles Lana. Opens March 4, 2026 ....