Hindi
ang babaeng ‘baliw’ ang salot sa pelikulang ‘Sisa’
FEU
Advocate
March
30, 2026 20:35
Ni
Bianca Bumatayo
Ipinamalas
ng pelikulang drama ni Jun Robles Lana na sadyang makapangyarihan ang dugo ng
kababaihang Pilipino. Sa kabila ng pang-aabuso at panunupil ng mga dayuhan,
napatunayan sa kuwento ni Sisa na hindi suliranin sa lipunan ang babaeng
binabansagang baliw, kundi ang mga mapang-api ng dignidad at karapatan.
Matapos
ang labintatlong taong pagpapahinga ni Hilda Koronel mula sa paggawa ng
pelikula, muli niyang ginulat ang industriya ng pelikulang Pilipino sa kaniyang
pagganap bilang ‘Sisa’ na isinulat at binigyang-direksiyon ni Jun Robles Lana.
Mababalikan
na ang huling pelikulang ginampanan ni Koronel ay noong 2012 pa sa pelikulang
‘The Mistress’ kasama sina John Lloyd Cruz, Bea Alonzo, at ang namayapa nang si
Ronaldo Valdez.
Sa
likod at harap ng mga lente ng kamera, kilala si Koronel bilang mahusay na
beteranong aktres sa industriya ng pelikula sa Pilipinas. Naging tanyag ang
kaniyang mga pagganap sa pelikulang inilathala ni Lino Brocka tulad ng
‘Insiang’ na inilabas noong 1976.
Isinagawa
ang kauna-unahang world premiere ng pelikulang Sisa noong ika-25 ng Nobyembre
2025, sa 29th Tallinn Black Nights Film Festival sa Estonia bilang bahagi ng
kategoryang Official Selection - Competition.
Ngayong
buwan ng mga kababaihan, iniuwi ng The IdeaFirst Company ang pelikula rito sa
Pilipinas nitong ikaapat ng Marso 2026, upang itampok ang mga kababaihang
Pilipinong patuloy na lumalaban, naninindigan, at nakikipagsapalaran sa marahas
na sistema ng lipunan.
Hagupit ng digmaan
Sa
unang bahagi ng taong 1902, sumiklab ang digmaan ng mga Pilipino laban sa mga
Amerikano. Isang marahas at madugong yugto para sa mga mamamayang patuloy na
nakagapos ang buhay at kalayaang kontrolado ng mga dayuhan.
Sa
gitna ng malawak na kapatagan, natagpuan ng isang Amerikanong sundalo ang isang
babaeng tahimik at palakad-lakad nang nakapaa. Magulo ang buhok at tila wala sa
tamang disposisyon ang sarili.
Hindi
alam ng babae ang kaniyang ngalan o kung saan ang kaniyang pinanggalingan,
kaya’t ipinahabilin ng sundalo ang babae sa batang si Nena, ginampanan ni
Angellie Sanoy, na pansamantalang alagaan muna ang babae. Nang kupkupin nina
Nena at ng kaniyang ina na si Delia, ginampanan ni Eugene Domingo, ang babaeng
wala sa sarili, binigyan nila ito ng pangalang Sisa.
Kilala
ang pangalang Sisa mula sa karakter ng nobela ni José Rizal na ‘Noli Me
Tangere.’ Isang ginang na nawala sa matinong kaisipan nang mawalay sa kaniya
ang dalawa niyang supling na sina Crispin at Basilio.
Bagama’t
hindi siya ang parehong karakter mula sa nobela, ito ang kanilang naging
basehan sa pagbibigay-pangalan kay Sisa bilang isa ring babaeng binansagang
‘wala sa katinuan.’
Dahil
sa malagim na yugto ng digmaan, umiikot lamang ang pamumuhay ng mga Pilipinong
tulad nina Delia, Nena, at Sisa sa loob ng reconcentrados o concentration
camps.
Nakatira
sila sa labas na bahagi ng mga garrison, ngunit kinikilala nila ang kanilang
mga sarili bilang mga bilanggo sa kamay ng panunupil ng mga Amerikano.
Sa
panahon ng pananakop ng mga ito, maituturing na alipin ang mga kababaihang
tulad nina Sisa sa sarili nilang bayan. Iginigiit ng mga Kano na ang mga
Pilipino ay nilikha upang manilbihan at magpaalipusta sa mga kagustuhan at
prinsipyo ng mga dayuhan.
Habang
tumatagal, lubos na hindi maipinta ang poot na nararamdaman ng mga Pilipino
mula sa pagmamaliit sa kanila ng mga Amerikano. Tila isang bugso ng damdamin
ang nagtutulak sa mga kababaihang lumaban nang patas at kumilos nang may buong
tapang at paninindigan.
Piging ng himagsikan
Baligtad
sa ipinahihiwatig ng pelikula na walang kakayahang lumaban sa digmaan si Sisa
dahil sa kaniyang kalagayan at kasarian. Hindi maikukubli na nagmumula ang
tunay na suliranin sa mga taong nasa tamang kaisipan ngunit may baluktot na
prinsipyo at pangangatwiran.
Kung
minsan, mas madali pang malinlang ang mga ordinaryong tao kompara sa mga taong
katulad ni Sisa na madalas tawaging wala sa katinuan.
Sa
pananaw ng mga Amerikano, inakala nilang mabilis mabulag ang kabataang kagaya
ni Nena sa kanilang pagpapakitang-tao, kaya’t pilit nilang hinuhubog ang mga
ito upang maging kahalintulad ng mga dayuhan sa anyo ng edukasyon at pag-iisip.
Ninais
ni Nena na matutuhan ang pamamalakad ng mga Amerikano sa pamamagitan ng
pagiging maayos at sibilisadong mamamayan. Ngunit paulit-ulit siyang
pinapaalalahanan ni Delia na maging mapagmatyag at manatiling mulat sa
katotohanan sa likod ng digmaan.
Maging
si Sisa, naging isang maaalalahaning nakatatanda para kay Nena, at malumanay
niya siyang ginabayan upang maging matalino sa bawat kilos at hindi
magbulag-bulagan sa pang-aabuso ng mga Amerikano.
Tila
nagkaroon ng isang katanungan si Nena—papaanong nagagawa ni Sisa na
mapangaralan ang dalaga gayong alam nilang wala ito sa tamang katinuan.
Sa
katotohanan, walang pinagkaiba si Sisa mula sa mga pinagdaanan nina Delia at ng
dalawa pa nilang kapuwa babae na sina Aling Opel, ginagampanan ni Tanya Gomez,
at Leonor, ginagampanan ni Jennica Garcia.
Pare-pareho
nilang naranasan ang kahindik-hindik na sistema ng mga dayuhan. Kabilang na
rito ang pagsasamantala sa kanilang puri at ang labis na pang-aalipin habang
patuloy na pinagsisilbihan ng mga Pilipino ang mga Amerikano.
Bitbit
nila ang isang pagluluksang kailanman ay hindi na maghihilom—ang realidad na
binasura ng mga Amerikano ang dignidad at karapatan ng bawat kababaihang
Pilipino.
Ngunit
sa kabila ng matatag na loob at kumpiyansa nito, unti-unti niya ring nakikita
ang realidad na hindi lamang mga Amerikano ang kalaban ng kanilang bayan—kundi
ang kaniyang kapuwa Pilipinong pumapanig sa mga dayuhan.
Mula
sa magagarbong pananamit at edukadong pamumuhay, ninais ng ibang kababaihan sa
pelikula na maging katulad ng mga Amerikano—maging ang pagiging sibilisado, na
may kasamang delikadesa, at talinong umaangkop sa pamantayan ng lipunan.
Sa
likod ng pangarap nila, tila unti-unti silang nahuhulog sa bitag ng mga
Amerikanong walang ibang hinangad kundi mamuno sa minamaliit nilang bayan ng
mga Pilipino.
Nasiraan
ng bait si Sisa dahil sa paninira ng dangal at dignidad, kasabayan ng malagim
na trahedyang sinapit ng kaniyang pamilya. Kaya’t sa kabila ng pananahimik at
pagtitiis, binuo ni Sisa ang kaniyang paninindigan na maipaghiganti ang
kaniyang bayan.
Kung
kaya’t sa pananaw ng mga kababaihang tulad ni Sisa na mulat sa katotohanan, mas
lalo lamang umangat ang pagkasuklam nito sa mga kapuwa Pilipinong
ipinagkakanulo ang sarili nilang bayan para sa kampon ng mapang-abusong mga
dayuhan.
Habang
tumatagal ang lalim ng digmaan, pailalim na isinagawa ni Sisa ang mga hakbang
tungo sa rebolusyon. Sa pamamagitan ng pagiging isang espiya para sa mga
Amerikanong sundalo upang matagumpayan ang pakikipaglaban nito.
Lampara ng rebolusyon
Sa
layo ng mga pinagdaanang sakuna at trahedya ng mga Pilipino sa gitna ng
digmaan, mapagtatanto na tanging katapangan at kagitingan ng mga kababaihan ang
daan tungo sa kalayaan ng kanilang lipunan.
Ang
paninindigang ipinakita ni Sisa ang nagpaalab sa puso ng mga kababaihan. Kahit
binabansagan siyang babaeng ‘baliw’ at ‘walang alam sa lipunan,’ tahimik niyang
ipinapamalas na may kapasidad at kakayahan ang bawat Pilipino na ipaglaban ang
kanilang karapatan.
Hindi
naging hadlang kay Sisa ang kawalan ng katinuan sa kaniyang kaisipan. Sa kabila
ng pagiging biktima ng panunupil sa sarili niyang bayan, naging simbolo ito
para sa kaniya na lumaban at ipaghiganti ang sinapit ng kaniyang mga mahal sa
buhay.
Matatag
niyang hinarap ang realidad na hanggang sa huling hininga ng mga Pilipino,
bibitbitin nila ang marahas na sistema ng mga dayuhan. Kasabay kung paano nito
binago ang bawat pananaw ng Pilipinong ninakawan ng maayos na pamumuhay.
Kahit
sa totoong buhay, tila malaking epekto ang sistema ng isang lipunan sa mga
mamamayan. Naisasalamin nito ang kahirapan na patuloy na pinapasan ng bawat
Pilipino.
Naka-ukit
pa rin sa sistema ng bansa ang lubos na diskriminasyon na nararanasan ng mga
kababaihan na mas lalong naging bunga ng patriyarkal na lipunan ng bansa.
Mula
sa mga eksena’t diyalogo nito, isa itong mahalagang paalala sa mga Pilipino na
nararapat manaig ang katapangan upang tuluyang tibagin ang marahas na sistema
ng lipunan.
Hanggang
sa kasalukuyan, marami pa ring anyo ng kawalang-katarungan at pang-aapi na
patuloy na nararanasan ng mamamayan, lalo na sa mga kababaihan na kadalasang
hindi pinakikinggan o minamaliit ang kanilang puri at karapatan.
Sa
konteksto ng panahon ngayon, isa itong palatandaan na may pag-asang manaig ang
boses ng mga kababaihan sa isang patriyarkal na lipunan. Kung patuloy na
lalaban ang mga Pilipino nang walang bahid ng pagmamaliit o diskriminasyon sa
isang kasarian, unti-unting uunlad ang isang bansang may malayang paninindigan.
Napatutunayan
ng pelikulang Sisa na hindi lamang pananahimik at paninilbihan ang kakayahan at
tungkulin ng mga kababaihan. Sa kabila ng malagim na trahedyang kanilang
pinagdaanan, sila ang naging tunay na rebolusyon na pumiglas sa panunupil ng
mga dayuhan.
Patuloy
na mapapanood ang ‘Sisa’ sa mga sinehan sa buong Pilipinas.
(Dibuho
ni Iya Maxine Linga/FEU Advocate)
No comments:
Post a Comment